Sulat Mula sa Langit
Napatalon si Sally sa upuan nang makita niyang lumabas ang duktor sa operating room. "Kumusta na ang anak ko?" tanong niya. "Kailan ko siya puwedeng makita?"
"Ikinalulungkot ko," tugon ng duktor. "Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya, pero namatay ang iyong anak."
"Bakit nagkaka-kanser ang mga bata?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Sally. "Wala na bang pakialam c God? Nasaan Siya nang kailangang-kailangan Siya ng anak ko?"
"Gusto mo bang makita ang anak mo?" tanong ng duktor. "Maya-maya lamang ay lalabas na ang nurse para dalhin siya sa unibersidad."
Hiniling ni Sally sa nurse na samahan siya habang siya’y nagpapaalam sa kanyang anak. Hinaplus-haplos niya ang makapal at kulot na buhok ng bata.
"Si Jimmy ang may gustong i-donate namin ang kanyang katawan sa unibersidad para mapag-aralan ito. Sabi niya, baka makatulong daw ito sa iba. Ayaw ko noong una. Pero sabi ni Jimmy, ‘Mama, hindi ko ito magagamit kapag patay na ako. Baka makatulong ito para makasama ng ibang bata ang mama nila nang isa pang araw."
"Ginintuan ang puso ng anak ko," pagpapatuloy ni Sally. "Lagi niyang iniisip ang kapakanan ng iba. Lagi siyang naghahangad na makatulong."
Lumabas si Sally sa Children’s Mercy Hospital sa huling pagkakataon, pagkatapos ng anim na buwang pananatili roon sa pagbabantay kay Jimmy. Inilagay niya ang mga gamit ni Jimmy sa kotse. Halos hindi niya makayanan ang biyahe pauwi. Pagdating sa bahay, dinala niya ang mga kagamitan sa kuwarto ng kanyang anak at inilagay ang mga laruan sa mga lugar na pinaglalagyan ni Jimmy sa mga ito. Pagkatapos ay humiga siya sa kama ni Jimmy, niyakap ang unan ng anak, at umiyak nang umiyak hanggang sa makatulog.
Hatinggabi na nang magising si Sally. Sa tabi niya ay nakita niya ang isang papel na nakatupi. Ito ang sabi ng sulat: "Dear Mama: Alam kong mami-miss mo ako. Pero huwag mong isiping makakalimutan kita, o hihinto ako sa pagmamahal sa iyo, dahil lang sa wala ako sa tabi mo para magsabi ng ‘I love you.’
Lagi kitang mamahalin, Mama. At lalo pa kitang mamahalin sa pagdaan ng bawat araw. Bayaan mo-isang araw ay magkikita rin tayo ulit. Pero habang wala pa ang araw na iyon, kung gusto mong mag-ampon ng batang lalaki para hindi ka malungkot, okey lang sa akin. Puwede niyang gamitin ang kuwarto ko at saka mga laruan. Pero kapag batang babae ang kinuha mo, baka hindi niya magustuhan ang mga bagay na gusto ng mga boys. Bibilhan mo pa siya ng mga manyika at gamit pambabae.
Huwag kang malungkot kapag naaalala mo ako. Maganda talaga rito! Sinalubong agad ako nina Lolo at Lola nang dumating ako at ipinasyal nila ako. Pero matagal siguro bago ko mapasyalan ang lahat ng lugar dito, at makita ang lahat ng makikita."
"Nakakatuwa ang mga anghel! Nasisiyahan akong panoorin silang lumipad. At alam mo, Mama? Hindi kamukha ni Jesus ‘yung mga pictures Niya riyan. Pero nang makita ko Siya, alam ko kaagad na Siya iyon. At Siya mismo ang naghatid sa akin kay Papa God! At alam mo ba, Mama? Kinandong ako ni Father God! Nakausap ko Siya na para bang isa akong importanteng tao. Noon ko sinabi sa Kanya na gusto kong sumulat sa iyo para magpaalam at maikuwento ang lahat ng ito. Alam ko nang bawal iyon kaya hindi puwede. Pero alam mo ba, Mama? Binigyan ako ni Papa God ng papel at saka ipinahiram Niya sa akin ang magandang ballpen Niya para maisulat ko sa iyo ito.
"Parang Archangel Gabriel ang pangalan ng anghel na maghahatid ng sulat na ito sa iyo. Sabi ni Papa God na isulat ko raw para sa iyo ang sagot sa isa sa mga tanong na tinanong mo sa Kanya:
‘Nasaan Siya nang kailangan ko Siya?’
"Sabi ni Father God, naroon daw Siya’t kasama Niya ako -- katulad din ni Jesus noong namatay Siya sa cross. Nandu’n Siya, Mama. Kasi hindi Niya iniiwan ang mga anak Niya kahit isang saglit. Ay, oo nga, pala, Mama! Walang nakakakita nitong isinulat ko kundi ikaw. ‘Pag tiningnan ito ng ibang tao, blangkong papel lang ang makikita nila. Mama, ang galing, di ba? Naku, kailangang isauli ko na kay Papa God itong ballpen Niya. Kailangan Niya kasi ito para isulat ‘yung iba pang mga pangalan sa Aklat ng Buhay. Mamaya, kakain akong kasama ni Jesus sa dinner table Niya. Siguradong masarap ang ulam!
"Oops, muntik ko nang makalimutang sabihin sa iyo, Mama. Wala na akong nararamdamang sakit! Wala na ang kanser sa katawan ko! Ang saya-saya ko kasi hindi ko na talaga matiis ‘yung sakit na iyon, at hindi na rin matiis ni Papa God na makita akong naghihirap nang husto. Kaya ipinadala na Niya ‘yung Angel of Mercy para sunduin ako. Ang sabi nu’ng anghel, "Special Delivery" daw ako. Ang galing, di ba, Mama?
"-With love from God, Jesus and Jimmy."
Maaaring kuwento lamang ang tingin natin sa ating nabasa, subalit mahahalagang katotohanan ang taglay nito. Totoong may pupuntahan ang kaluluwa natin kapag tayo’y namatay na, at ang destinasyon natin ay nakasalalay sa mga desisyong ginagawa natin ngayon: ang desisyong magpasakop kay Kristo Jesus at sumunod sa Kanya o hindi.
Totoo ring sa katapusan ng buhay dito sa lupa, tanging pag-ibig lamang ang maibabaon natin papuntang langit: pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa. "Tayo’y umiibig sapagkat Siya ang unang umibig sa atin, " sabi sa 1 Juan 4:19. At sa 1 Corinto 13:13 naman ay klarung-klarong sinasabi kung ano ang mga bagay na pinakamahalaga sa lahat:
"…Ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig."
Kaya’t pagsumikapin natin ang matutong magmahal nang tunay. Pahalagahan natin ang mga taong nasa paligid natin at magpakita tayo ng kabutihan sa kanila habang naririto pa tayo sa daigdig. Higit sa lahat, mahalin natin ang Panginoong Diyos nang buong puso’t kaluluwa. Napakabait Niya at lagi Siyang handang tumulong sa atin, anuman ang ating kalagayan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment